Tiniyak ng Department of Migrant Workers na kanilang pag-iibayuhin pa ang mga serbisyo, pasilidad at dadagdagan ang staff ng Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital na nakabase sa Pampanga.
Ito ay matapos na batikusin ni Senator Raffy Tulfo ang umano’y poor service ng naturang pagamutan makaraang magsagawa ito ng surprise visit dito.
Sinabi ng Senador na ito ang unang pagkakataon na nakapunta ito sa isang ospital na walang halos pasyente matapos na matuklasan na dalawa lamang ang naka-admit na pasyente sa naturang ospital.
Ilan pa sa naobserbahan ng Senador ay hindi ganap na nagagamit ang naturang ospital na mayroong aabot sa 200 staff na binubuo ng 46 na mga doktor, 72 nurses at iba pang empleyado.
Inihayag din ni Sen. Tulfo na walang mga pasyente sa OFW hospital dahil sarado ang outpatient department nitong weekends at tumatanggap lamang ng 10 walk-in patients kada araw.
Ang iba kailangan pa aniya na magpa-book ng online appointment sa website ng ospital para sa medical consultation.
Ayon naman kay Migrant Workers Undersecretary Hans Leo Cacdac na nakikipag-ugnayan na ito ngayon sa opisina ng Senador kaugnay sa naurang isyu at maging sa Department of Budget and Management para matugunan ang staffing issue.
Bubuksan na rin aniya ang outpatient services ng ospital tuwing araw ng Sabado.
Sa kabuuan ayon kay Cacdac, nasa kabuuang 13,625 na mga pasyente na ang naserbisyuhan ng ospital ngayong taon.
Matatandaan na noong Mayo ng nakalipas na taon inilunsad ang OFW hospital para matugunan ang mga healthcare needs ng OFWs at kanilang kwalipikadong dependents.