Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakahanda ang ahensiya na tulungan ang mga Filipino na nais lisanin ang Lebanon sa kabila ng nararanasang tensiyon duon.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, naghahanap na sa ngayon ang ahensiya ng posibleng lugar na pwedeng pagdalhan sa mga Filipinong nais lisanin ang lugar.
Kahapon, Sabado, sinalubong ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration ang mahigit isang dosenang overseas Filipino workers kabilang ang mga bata na-repatriate mula sa Lebanon.
Sinabi ni Cacdac na ang mga dumating na OFW kahapon ay boluntaryong humiling ng repatriation at nakatanggap ang mga ito ng kaukulang tulong sa pamahalaan.
Ginawa ang repatriation sa mga OFW sa Lebanon sa pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Nitong Biyernes naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Lebanon na kailangan ng lisanin ang lugar habang bukas pa ang paliparan.
“The Philippine Embassy in Lebanon strongly urges all Filipino citizens to leave Lebanon immediately while the airport remains operational. We advise all Filipino nationals to prioritize their safety and depart the country as soon as possible.”
Sumiklab kasi ang tensiyon sa pagitan ng Lebanon-based Hezbollah at Israel.