-- Advertisements --

Siniguro ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ng mga overseas Filipino workers na nakabase sa Taiwan na nananatiling ligtas at maayos ang sitwasyon ng mga Pinoy workers sa naturang estado.

Ito ay sa kabila ng patuloy na pagtindi ng sitwasyon doon, kasabay ng tuloy-tuloy na pag-aangkin ng China at serye ng military exercises na isinasagawa sa karagatang sakop ng Taiwan.

Pagtitiyak ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac, nananatiling maayos ang kalagayan ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa naturang estado habang wala namang banta sa kanilang seguridad sa kasalukuyan.

Gayonpaman, patuloy aniyang pinag-uusapan ng gobiyerno ng Pilipinas at ng DMW ang posibleng contingency plan na maaaring sundin o isagawa, kapag lalo pang lumala ang sitwasyon at maapektuhan na ang mga OFW.

Pagtitiyak ng kalihim, mayroon nang nakahandang contingency measure para masigurong ligtas ang mga Pinoy habang nagtatrabaho sila sa Taiwan.

Una na ring tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia na matutuloy pa rin ang nakatakdang overseas voting sa Taiwan at maaaring makibahagi dito ang mga Pilipinong una nang nakapagrehistro.

Bukas din aniya ang internet voting sa naturang estado at maaaring makibahagi ang mga Pilipinong botante gamit lamang ang kanilang mga cellphone o laptop.