Sinimulan na ng PNP Crime Laboratory ang DNA testing sa mga narekober na labi ng dalawang sinasabing “suicide bombers” na nagpasabog sa kampo militar sa Indanan, Sulu noong nakaraang linggo.
Ayon kay PNP Crime Lab Director P/BGen. Rolando Hinanay, malalaman sa DNA test kung ano talaga ang lahi ng mga bombers.
Magugunitang unang kinumpirma ng militar na Pilipinong miyembro ng Abu Sayyaf na nagngangalang Norman Lasuca ang unang suicide bomber na nagpasabog sa gate ng kampo matapos angkinin ng nagpakilalang ina at kapatid ang mga labi nito.
Habang ang pangalawang bomber naman na nagpasabog sa loob kampo ay pinaghihinalaan ng militar na anak ng Moroccan bomber na nagpasabog ng car bomb sa Lamitan, Basilan.
Sinabi ni Hinanay na kinunan din nila ng DNA sample ang nagpakilalang ina at kapatid ng unang bomber, upang maberipika ang identity ng unang bomber.
Tiniyak naman ni Hinanay, bibilisan nila ang pagsuri sa DNA dahil sa “sensational” ang kaso at mahalagang malaman sa lalong madaling panahon kung ano ang talagang nangyari sa naturang pambobomba.