Pawang nagpahayag ng pakikiisa ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police para sa paggunita ng ika-82 taong anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.
Sa isang statement ay nagpahayag si DND Secretary Gilberto Teodoro Jr. ng buong-pusong pagpupugay para sa mga Beteranong Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan, kasarinlan, at kapayapaan ng ating bayan.
Aniya, ang kagitingan ng naturang mga bayan ay magsilbing inspirasyon para sa pagkakasa ng sambayanan at maging sa pagtugon sa mga hamon ng panahon tungo sa isang mapayapa, matatag, at maunlad na Bagong Pilipinas.
Sa bukod na pahayag naman ay nanawagan si AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa publiko na magnilay-nilay hindi lamang sa mga naging sakripisyo sa nakaraang kundi maging sa mas pagpapatibay pa sa commitment ng ating bansa sa pagtataguyod sa prinsipyo ng demokrasya, kapayapaan, at kalayaan para sa ating bayan.
Habang muli namang tiniyak ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil na mananatiling matatag ang buong hanay ng kapulisan kasabay ng pangakong pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino nang hindi nakakalimutan ang mga naging sakripisyo ng ating mga bayani para sa kinabukasan ng ating bansa.