-- Advertisements --

Hindi maipaliwanag nina Defense spokesman Arsenio Andolong at AFP spokesman Col. Edgard Arevalo ang proseso sa kung paano ang pag-apply ng amnestiya sa gobyerno.

Ito ay kasunod sa pagbawi ng Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ni Sen. Antonio Trillanes.

Ayon sa dalawang opisyal, noong panahon na nag-apply ng amnesty si Trillanes ay wala pa raw sila noon kaya hindi nila batid ang proseso.

Sinabi ni Arevalo hindi siya pamilyar sa nasabing proseso.

Giit nito na ang importanteng aspeto at basehan sa revocation ng amnesty ng senador ay ang kawalan ng kopya ng deputy chief of staff for personnel (JI) sa amnesty application ni Trillanes.

Inamin naman nina Arevalo at Andolong na ang Office of the Solicitor General ang nanghingi ng kopya o file sa amnesty application ng senador.

Hindi naman privy ang dalawang opisyal sa mga ipinapadalang komunikasyon ng SolGen sa AFP.

Hindi rin lubos maipaliwanag kung papaano nawala ang dokumento gayong sa DND nag-file ng amnesty application si Trillanes.

Tiniyak nina Andolong at Arevalo na kanila ng hinahanap ang nasabing dokumento.

Una nang inilutang ni Trillanes sa kanyang speech sa plenaryo ng Kamara ang file video sa kanyang application form na kanyang pinirmahan.