-- Advertisements --

Lumagda ang Department of Defense (DND) at Korea Electrical Safety Corporation (KESCO) sa isang kasunduan para sa pagtatayo ng mga solar power facilities sa mga kampo ng militar.

Ang kasunduan ay alinsunod sa unang kasunduan ng Pilipinas at Ministry of Trade, Industry and Energy ng Republic of Korea (MOTIE-ROK) ukol sa pagpapalawig ng “renewable energy” na nilagdaan sa state visit ng Pangulong Duterte noong Hunyo 4, 2018.

Sa ilalim ng kasunduan, magtatayo ang KESKO ng mga solar panel projects sa mga kampo ng militar na may kapasidad na mula 50 hanggang 100 megawatt.

Kabilang dito ang Camp General Macario Peralta Jr, Jamindan, Capiz aa Central Visayas; at Camp Kibaritan, Kalilangan, Bukidnon sa Mindanao.

Sa kanyang mensahe sa signing Ceremony sa Camp Aguinaldo, nagpasalamat si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa KESCO sa kanilang malaking kontribusyon sa pagsulong ng mga solar-energy projects sa bansa.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Mr. Jihyun Park, Pangulo ng KESCO na patuloy na magtutulungan ang pamahalaan ng Pilipinas at ROK sa ikatatagumpay ng proyekto.