Ipinauubaya na ng Malacañang sa Department of National Defense (DND) ang pagpapasya kung posibleng magkaroon ng joint military patrols sa West Philippine Sea ang iba’t ibang mga bansang claimants sa pinagtatalunang teritoryo.
Reaksyon ito ng Malacañang sa mungkahi ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na gawin ang nasabing hakbang kasama ang Vietnam, Malaysia at iba pang claimants para hindi na maulit pa ang vessel collision sa Recto Bank.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, mas alam ng Defense Department kung ano ang pinakamabuting hakbang tungkol sa panukala ng mambabatas.
Ayon pa kay Sec. Panelo, wala ring masama sa mas maraming presensya ng US Forces sa West Philippine Sea basta makatulong sa pagpapatatag sa rehiyon.
Sa mga nakaraang pahayag ni Sec. Panelo ay sinabi nitong bukas ang Malacañang sa kahit aling bansa na makatutulong para maresolba na ang matagal ng territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China.
Naninindigan din si Sec. Panelo na hindi isusuko ng pamahalaan ang soberenya ng Pilipinas sa kahit anong bansa.
“The defense department will be the one to decide which the best moves for that,” ani Panelo.