Hinimok ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro ang lahat ng mga Pilipino na tularan ang ipinamalas na katapangan ng tinaguriang “Ama ng Himagsikan” na si Andres Bonifacio sa gitna ng patuloy na pagharap ng bansa sa mga hamon sa seguridad.
Ginawa ng kalihim ang panawagan isang araw bago ang pagdiriwang ng Bonifacio day o ika-161 kaarawan ni Bonifacio bukas, Nobiyembre 30.
Sa isang statement, sinabi ni Sec. Teodoro na ang kwento ni Bonifacio na may mapagkumbabang simula hanggang sa pamunuan niya ang laban kontra sa mga mabibigat na kalaban ay kumakatawan sa mga personnel ng DND na pinagkatiwalaan ng mandato para protektahan ang soberaniya at territorial integrity ng Republika ng Pilipinas.
Sinabi din ng kalihim na sa pagharap ng kasalukuyan at umuusbong na mga hamon sa ating pambansang seguridad, kabilang ang mga panlabas na pagtatangka upang sirain ang ating kasarinlan, dapat aniyang ipagpatuloy ang paghugot ng lakas mula sa katapangan, katatagan at pagmamahal sa bayan ni Bonifacio.
Hinikayat din ng DND chief ang mga Pilipino na magbigay pugay sa legasiya ni Bonifacio sa pamamagitan ng pagprotekta sa kaligtasan, kapakanan at kalayaan ng mga mamamayang Pilipino kung saan buhay ang ibinuwis nina Bonifacio at ng iba pang mga bayani ng mga nakalipas na henerasyon.
Bilang nagtatag ng Katipunan, napagtagumpayan aniya ni Bonifacio ang kalayaan mula sa pang-aapi, pagkakapantay-pantay at pagbawi ng dignidad ng mga nagtiis ng ilang dekadang pamamayani ng kolonyalismo.