Malugod na tinanggap ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. si bagong Defense Attaché of Brunei Darussalam to the Philippines Lt. Col. Suzana Binti Haji Antin sa introductory call nito sa DND headquarters kahapon.
Muling inalala ni Sec. Teodoro ang mahalagang papel ng Brunei Darussalam sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao kasunod ng 2 araw na state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Brunei nakalipas na Mayo 28 hanggang 29 ng kasalukuyang taon.
Alinsunod rin sa mga pagsisikap para panatilihin ang istabilidad at pagpapaunlad pa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nakiisa ang kalihim sa Brunei Darussalam para sa pagbibigay ng mga oportunidad sa edukasyon para sa mga Imam ng Armed Forces of the Philippines para isabuhay ang katuruan sa banal na Qur’an, labanan ang radikalisasyon at ang bayolenteng ekstremismo sa bansa.
Bilang isang logistician ang bagong Brunei defense attaché, ibinahagi din ng DND chief ang ipinapatupad ngayon ng ahensya na Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) na naglalatag ng estratehikong hakbangin ng bansa na mag-shift sa external defense.
Nakikita ng kalihim ang oportunidad ng paglikha ng linkages o ugnayan sa pagitan ng cyber defense institutions at defense industries ng PH at Brunei Darussalam at para palakasin pa ang interoperability at kabuuang kapasidad ng militar ng 2 bansa.
Kapwa naman nangako ang 2 bansa na founding members ng ASEAN, na magtulungan tungo sa pagtataguyod ng kapayapaan, seguridad at mapayapang pagresolba ng pagkakaiba sa rehiyon.
Samantala, nakatakda namang ipagdiwang ng PH at Brunei ang ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic relations ng 2 bansa ngayong taon.