-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hindi titigil ang Department of National Defense hangga’t hindi napapalayas ang mga Chinese vessels sa Julian Felipe Reef na sakop ng Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, sinabi nito hindi kapani paniwala ang sagot ng Chinese embassy sa kanilang diplomatic protest na hindi mga maritime militia ang mga namataang barko bagkos ay mga fishing vessel lang.

Malinaw rin ayon sa kalihim na nilalabag ng Beijing ang maritime rights at soberenya ng Pilipinas sa pagpapadala ng chinese militia sa pinagtatalunang teritoryo na kanilang pinangalangan na Niu’e Jiao.

Ayon sa defense chief, hindi katanggap-tanggap ang dahilan ng Beijing na naka-angkla lang ang mga Chinese fishing vessels dahil umano sa maalon na dagat.

Sa katunayan anya payapa ang tubig dagat sa Julian Felipe Reef hanggang sa kasalukuyang panahon at hindi rin nangingisda ang nasabing mga barko.