-- Advertisements --

Kinontra ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang naging assessment ng Human Rights Watch (HRW) na ang pabuya na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte na P20,000 sa bawat napapatay na miyembro ng New People’s Army (NPA) ay mas lalong humihikayat ng war crimes.

Sa mensaheng inilabas ni Lorenzana, kaniyang sinabi na isang legitimate law enforcement function ang pag neutralize sa mga rebelde at terorista.

Giit ng kalihim, hindi rin ipinagbabawal sa batas ang pag alok ng reward laban sa mga kalaban ng gobyerno lalo na kung rebelde at terorista.

“Our Defenders are under strict orders to adhere to the principles of human rights and international humanitarian law when they operate in the field. They know only too well that anyone of them who is found guilty of abuse will be sanctioned accordingly,” pahayag ni Lorenzana.

Binigyang-diin naman ng opisyal na napaka “bias” at “critical” naman ng HRW laban sa AFP at PNP.

Pero kung ang NPA ang naglulunsad ng patayan ay tikom ang bibig ng mga ito.

Sinabi ni Lorenzana na noong inanunsiyo ni Jose Maria Sison ang pagpatay ng isang sundalo bawat araw ay walang narinig mula sa HRW.

“In the interest of neutrality, objectivity, and the truth, we strongly urge the HRW to stop its hypocrisy and, instead, do the right thing by acknowledging and investigating these glaring atrocities being committed by the NPA including the murder of innocent civilians, who resist their aggressive exploitation, and the deceptive recruitment of our indigenous population,” pahayag ni Lorenzana.