-- Advertisements --

Layong tutukan ng Department of National Defense (DND), ang mga katubigan ng Pilipinas ngayong taong 2025.

Ginawa ng ahensya ang naturang pahayag kasabay ng New Year’s Call sa Camp Aguinaldo noong Biyernes kung saan sinabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang pangako ng militar na tutukan ang teritoryo at seguridad ng mga katubigan ng Pilipinas ngayong taon.

Nangako din ang Defense Secretary kasama ang hukbo ng militar na kanilang palalakasin ang kakayahan ng bansa pagdating sa kapabilidad ng militar.

Binigyang-diin ni Teodoro ang kahalagahan ng pagpapanatili ng soberanya at mga humanitarian values habang nananatiling mapagmatyag laban sa anumang pagsubok tulad na nais sirain ang naratibo ng Pilipinas sa buong mundo.

Bagamat hindi binanggit nang tuwiran ang China o ang kasalukuyang tensyon sa West Philippine Sea (WPS), ngunit umaayon ang pahayag ni Teodoro sa mas malawak na tema ng katatagan, pagkakaisa, at pagtatanggol sa pambansang interes ng Pilipinas.

Samantala ang New Year’s Call ay isang tradisyon ng DND, na dinaluhan ng iba’t ibang lider ng militar, mga opisyal, at mga foreign military attachés.