-- Advertisements --

Magsasagawa umano ng sariling beripikasyon ang Department of Defense (DND) sa napaulat na pagkahirang kay Hatib Hajan Sawadjaan ng Abu Sayyaf Group bilang bagong Emir ng ISIS sa Pilipinas.

Sa pahayag na inilabas ng DND, binigyang-diin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na independent umano ang kanilang sistema sa pag-validate ng AFP sa PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ang pahayag ni Lorenzana ay matapos na kumpirmahin ni Interior Sec. Eduardo Año na si Sawadjaan na ang namumuno ng ISIS sa bansa, batay sa impormasyon mula sa Estados Unidos.

Ayon kay Lorenzana, hindi naangkop na magbigay ng komento sa isyu hangga’t hindi nakakapagsagawa ng sariling beripikasyon ang AFP mula sa kanilang sources.

Kasalukuyang tinutugis ng AFP ang grupo ni ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan sa Patikul, Sulu na umano’y responsable sa pambobomba sa Jolo Cathedral noong Enero 27.