Malugod na tinanggap ng Department of National Defense (DND) ang pag-apruba ng Senado para sa ratipikasyon ng makasaysayang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na magpapalakas ang naturang kasunduan sa defense at security cooperation sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at Japan Self-Defense Forces sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mas marami pang mga pagsasanay at aktibidad.
Nagpasalamat din ang DND kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa mga Senador sa pangunguna ni Senate President Francis Escudero, Majority Floor Leader Senator Francis Tolentino at Foreign Relations Chairperson Senator Imee Marcos para maisakatuparan ang makasaysayang kasunduan.
Nakatakda naman aniyang aprubahan ng National Diet ng gobyerno ng Japan ang RAA alinsunod sa kanilang legal na proseso para magkaroon ng bisa at ganap na mapairal ito sa parehong bansa.
Umaasa ang DND na mapapalawig pa ang defense cooperation ng ating militar sa implementasyon ng RAA.
Mahalaga din aniya ang pagtataguyod ng collaborative partnerships sa kanilang like-minded nations kasabay ng pagpapalakas pa ng ating sariling defense capabilities. Testamento din aniya ito ng malinaw na commitment ng Pilipinas para sa kaayusan, seguridad at stability sa Indo-Pacific region.