-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of National Defense na maghahain sila ng petisyon upang harangin ang panukalang paglilipat sa kanilang kustodiya ni Pastor Apollo Quiboloy.

Sa isang pahayag, sinabi ni Defense Assistant Secretary Erik Dy, maghahain sila ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court.

Sa ngayon, kailangan muna aniyang maghain ng mosyon ng kampo ni Quiboloy sa QC RTC bago sila maghain ng kontra petisyon.

Una rito ay naghain na sila ng parehong petisyon sa Pasig City RTC matapos na maghain ng kampo ni Quiboloy ng mosyon.

Punto ni Dy, walang kinakaharap na anumang kaso sa General Court Martial ang mga akusado at hindi ito miyembro ng militar.

Dahil dito, wala aniyang pangangailangan na mailipat ang kustodiya ni Quiboloy sa AFP sa Kampo Aguinaldo.