-- Advertisements --

Nakiisa ang Department of National Defense (DND) sa pagpupugay sa mga Pilipinong war veterans na buong tapang at nagsakrpisyo para mapalaya ang ating bansa.

Ito ay kasabay ng pagsisimula ng Philippine Veterans Week ngayong araw ng Sabado Abril 5 at ika-83 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.

Ang PH Veterans Week ay magtatagal hanggang sa Abril 11 habang ang Araw ng Kagitingan naman ay ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Abril.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ni DND Assistant Secretary for Defense Communications Arsenio Andolong na ang katapangan at sakripisyo ng mga Filipino veterans ang siyang nagbigay-daan sa pagkakatatag ng kalayaang ating tinatamasa sa kasalukuyan kayat tungkulin natin hindi lamang bigyang pugay ang mga ito sa pamamagitan ng mga seremoniya kundi sa pamamagitan ng ating mga aksiyon.

Kaninang umaga, idinaos ng DND sa pakikipagtulungan sa PH Veterans Affairs Office ang Sunrise Ceremony sa Libingan ng mga Bayani bilang pag-marka sa pagsisimula ng naturang PH Veterans week.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang event ay ang mga sundalo, war veterans, mga sibiliyan at mga kabataan na nag-alay ng mga bulaklak sa mga nagbuwis ng kanilang buhay.

Sinundan ito ng wreath-laying ceremony at review bilang pagpupugay sa mga veterans sa Fort Bonifacio sa Taguig City na isinagawa ng katumbas ng isang battalion na contingent mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) habang ipinarada naman ang mga veteran at binigyan ng parangal kasama ang high-ranking military officers at visiting dignitaries.

Inaasahan namang papangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggunita ng Araw ng Kagitingan sa Mount Samat National Shrine sa Pilar, Bataan sa araw ng Miyerkules, Abril 9 kung saan isasagawa ang wreath-laying ceremony sa Dambana ng Kagitingan bilang pagpupugay sa mga Pilipino at Amerikanong World War II veterans.