ILOILO CITY – Nagpahayag ang Department of National Defense (DND) ng 100 porsyentong suporta sa pagsusulong ng Kamara at Senado na muling maisabatas ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) upang maibalik ito sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Defense Assistant Secretary for Strategic Assessments and International Affairs Henry Robinson Jr. , sinabi nito na mayroon nang panukalang konsepto ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, Armed Forces of the Philippines, Commission on Higher Education (CHED), at iba pang kinauukulang ahensya kung paano patatakbuhin ang programa ng ROTC sa pamamagitan ng pag-iimplimenta gamit ang tinatawag na phased approach.
Ayon kay Robinson, kumakaunti na ang bilang ng mga reservists at enlister personnel sa bansa.
Aniya, mayroong anim na parte ang pagpapatupad ng ROTC, una ay ang preparasyon; pilot programs, simulation sa mga volunteered schools; expansion sa iba’t-ibang rehiyon; progressive implementation; evaluation and further fine tunning; at buong implimentasyon na sa lahat ng kolehiyo.
Ipinaliwanag nito na isa sa mga tungkulin ng mga mamamayan ay maging handa na ipaglaban ang bayan sa panahon ng digmaan o sakuna.
Makakatulong aniya ito na gawing mas handa ang ating bansa, lalo na sa usapin ng peace and order.