Nakikipag-ugnayan na ang Department of National Defense (DND) sa Department of Foreign Affairs para sa posibleng repatriation ng mga Pilipino sa ibang bansa na apektado ng sitwasyon sa Ukraine at North Korea.
Sa isang statement, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mahigpit na sinusubaybayan ng DND ang mga kaganapan sa Ukraine at maging ang missile test na ginawa ng North Korea.
Aniya, ang posibleng “direct” at “indirect” na epekto ng mga ito sa seguridad at ekonomiya ng bansa ay pinag-aaralan ng DND.
Tiniyak ng kalihim na nakahanda ang DND na tumulong sa pagpapauwi sa bansa ng mga apektadong Pilipino sa ibayong dagat kung kakailanganin.
Nakikiisa aniya ang Pilipinas sa panawagan ng international community para sa pananaig ng kapayapaan at umaasa na mareresolba ang sitwasyon sa mabilis at maayos na paraan.