Pinutol na ng Department of National Defense (DND) ang 31-taon na kasunduan sa University of the Philippines (UP) na pagbabawal sa mga pagpasok ng mga kapulisan at kasundaluhan sa mga campuses kapag walang koordinasyon sa mga opisyal ng unibersidad.
Sa sulat ni DND Secretary Delfin Lorenzana kay UP President Danilo Concepcion, sinabi ito na ang nasabing desisyon ay bunsod sa mga natanggap nilang ulat na may mga komunista ang nanghihikayat umano sa mga estudyante na sumapi sa kanila.
Kailangan aniyang isakprisyo ang mahigit na tatlong dekada na kasunduan para mailigtas ang mga mag-aaral sa itinuturing na kalaban ng gobyerno.
Isa aniyang hadlang ang nasabing kasunduan para makapagbigay ng seguridad at kaligtasan sa mga mag-aaral.
Mayroon aniyang mga UP students na sumasapi sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army kung saan ang iba sa kanila ay napapatay sa military operations.
“By reason of national security and safety of Up students, this Department intends to remedy this situation by terminating or abrogating the existing “Agreement” in order for us to perform our legal mandate of protecting our youth against CPP/NPA recruitment activities whose design and purpose is to destroy the democracy we have all fought for,” bahagi pa ng sulat. “The Department of National Defense only wants what is best for our youth. Let us join hands to protect and nurture our young people to become better citizens of our great nation.”
Ang nasabing kasunduan ay inilunsad noong June 1989 sa ilalim ni dating Pangulong Corazon Aquino na nagbabawal sa mga militar at police na basta pumasok sa mga campuses ng UP ng walang paalam sa university administration.