-- Advertisements --

Hinamon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ilang human rights group na maglabas ng ebidensiya kaugnay sa sinasabi nilang human rights violations sa Mindanao sa ilalim ng Martial Law.

Ayon kay Lorenzana, umabot na sa kanilang atensyon na may ilang grupo na pinaparatangan sila ng human rights abuses.

Kung sino man aniya ang umano’y mga naging biktima ng human rights violation ay magsampa ng kaso laban sa mga sundalo.

“I strongly encourage these groups and alleged victims of excesses by government security forces to come forward, present your evidence, and file charges in the proper courts. Huwag po kayong matakot. If indeed some of our soldiers are found guilty of committing excesses under martial law, then we will not hesitate to administer the appropriate sanctions against these individuals, while ensuring that due process is followed,” mensahe ni defense chief.

Pagtiyak ni Lorenzana na kung sino man sa kanilang mga sundalo ang mapatunayang lumabag sa karapatang pantao ay hindi nila ito kukunsintihin dahil hindi papayag na madungisan ang magandang imahe at reputasyon ng militar.

Dahil dito, kanilang pinagkasunduan na mga magagaling na mga sundalo ang kanilang ipinadala sa Marawi at ibang bahagi ng Mindanao para maiwasan na may mga paglabag ng karapatang pantao.

Binigyang-diin ng Defense chief na mahigpit na pinapairal ng militar ang rule of law at pagrespeto sa human rights.

Siniguro pa ni Lorenzana na mataas ang kaniyang tiwala at kumpiyansa sa propesyonalismo ng mga sundalo.

“Naniniwala akong gagawin ng ating kasundaluhan kung ano ang nararapat alinsunod sa batas at hindi nila kailanman tatalikuran ang kanilang sinumpaang tungkulin – ang ipagtanggol ang bansa at sambayanang Pilipino, kahit kapalit ang sarili nilang buhay,” wika ni Lorenzana.