CAUAYAN CITY – Iginagalang ng Department of National Defense (DND) ang desisyon ng ilang Local Government Units (LGUs) kaugnay sa pagtatayo ng karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.
Sa pagbisita ng kalihim sa EDCA site sa Camp Melchor Dela Cruz sa 5th Infantry Division Philippine Army sa Upi, Gamu, Isabela ay binigyang-diin ni kalihim Gilbert Teodoro ng DND na bagamat may karapatan ang bawat LGU sa kanilang paninindigan ay kanyang iginiit na ang EDCA ay nauugnay sa usaping seguridad ng bansa.
Matatandaang binibisita ng DND ang lahat ng mga EDCA sites na kasalukuyan ang development.
Aniya, isa ang Isabela sa napiling pagtayuan ng karagdagang EDCA sites alinsunod na rin sa kagustuhan ni Governor Rodito Albano na mapalakas ang Armed Forces sa lalawigan upang matiyak ang seguridad sa mga coastal areas na nag-eextend sa Philippine Rise.
Paraan ito ng pamahalaan para pangalagaan ang lahat ng nasa loob ng Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.
Naniniwala rin ang kalihim na ginagamit ang EDCA at issue sa China maging ng Taiwan upang bumuo ng takot kaya muli niyang nilinaw na walang kinalaman ang EDCA sites sa usapin ng Taiwan at China at walang dapat na ikabahala na magdadala lamang ito ng kaguluhan.
Umaasa siya na mas mapapabilis ang pagpapatayo ng proyekto sa itinalagang EDCA site upang makausad na mula sa construction phase.
Samantala, nanindigan si Kalihim Teodoro na sumusunod lamang sila sa kanilang mandato na palakasin ang sandatahang lakas ng Pilipinas at sumusunod lamang din sila sa iba pang ahensya kung sino ang nararapat na magbitaw ng pahayag kaugnay sa sigalot sa West Philippine Sea.
Una rito inihayag ni Senador Chiz Escudero na dapat maglabas ng kautusan ang pangulo na magbabawal sa mga top official ng Armed Forces of the Philippines na maglabas ng ano mang pahayag laban sa China upang maiwasan ang posibleng tensyon sa pagitan ng mga bansa.
Sa kabila nito inihayag ni Kalihim Teodoro na titigil lamang ang AFP sa paglalabas ng pahayag kung mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang mag-uutos nito at mananatili silang bukas sa lahat ng mga mungkahi.