-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of National Defense (DND) nitong Miyerkules ang claims kaugnay sa data breach nitong weekend.

Sa isang statement, nilinaw ni DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong na taliwas sa napaulat, walang namonitor ang DND na anumang data breach noong weekend.

Nananatili din aniyang secure at gumagana ang kanilang sistema.

Hindi naman nagbigay ng karagdagan pang detalye ang opisyal dahil sa security reasons.

Sa kabila nito, nagpapatupad na ang ahensiya kasama ang Armed Forces of the Philippines ng cybersecurity measures para maiwasang mangyari ulit ang naturang insidente.

Matatandaan na nauna ng iniulat ng Cybersecurity advocacy group na Deep Web Konek na nakompormiso sa umano’y cybersecurity breach ang network ng Philippine Army (PA) na nag-expose umano sa mga sensitibong mga personal at operational data ng military personnel ilang araw kasunod ng pag-atake sa sistema ng Philippine Navy.

Natukoy ang naturang grupo na Philippine Exodus Security na nasa likod ng cyberattack.

Nauna naman ng kinumpirma ng PA ang pagtatangka na iligal na i-access o pasukin ang kanilang network subalit hindi aniya ito hacking incident.

Tiniyak din ni Army spokesperson Col. Louie Dema-ala na walang nakompormisong mga dokumento o confidential data mula sa umano’y data breach.