-- Advertisements --

Agad na niligawan ng ibang mga koponan sa NBA si Doc Rivers ilang oras matapos itong bumaba na sa puwesto bilang head coach ng Los Angeles Clippers.

Batay sa ulat, umalis na si Rivers sa Clippers matapos ang malamyang performance ng koponan sa playoffs.

Ilan sa mga agad na kumausap kay Rivers ang Philadelphia 76ers at New Orleans Pelicans.

Puspusan pa kasi ang paghahanap ng 76ers ng bagong coach makaraang sibakin si coach Brett Brown noong isang buwan nang malaglag ang Philadelphia sa unang round ng postseason.

Ganito rin ang sitwasyon ngayon sa Pelicans matapos nilang alisin si Alvin Gentry bilang head mentor nang mabigo ang New Orleans na umusad sa playoffs sa ikaapat na pagkakataon sa loob ng limang season.

Maliban kay Rivers, kabilang din sa mga kinakausap ngayon ng 76ers si dating Houston Rockets coach Mike D’Antoni.