-- Advertisements --
PMA ARCH BAGUIO
The Philippine Military Academy (PMA) in Baguio City (photo from gobaguio.com)

BAGUIO CITY – Iniimbestigahan na rin ng Philippine Military Academy (PMA) ang doktor ng akademya na unang nag-check-up sa namatay na fourth class cadet dahil sa hazing.

Ayon kay PMA superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista, unang naging diagnose ng doktor kay Cadet 4CL Darwin Dormitorio ay urinary tract infection (UTI).

Aniya, nakakita din sila ng iregularidad sa ilan pang mga concerned officials ng akademya dahil hindi agad dinala sa pagamutan ang biktima.

Napag-alaman na akas-8:00 ng umaga pa ng Martes nang nag-excuse ang kadete dahil sa sama ng pakiramdam.

Dakong alas-8:00 naman ng gabi nang magsusuka sa loob ng kanilang barracks na sinundan pa ng pagsusuka ng madaling araw ng Miyerkules at dinala lamang ito sa pagamutan ng bandang alas-4:00 na ng umaga hanggang sa dineklarang patay na ito bandang alas-5:00 ng umaga.

Una rito, kinumpirma ni Evangelista na hazing o maltreatment ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Cadet Dormitorio kung saan nadiskobre sa otopsiya na lubhang pinahirapan ito sa pamamagitan ng mga suntok at sipa.

Napag-alaman na 2,000 cc ng dugo ang nag-clot sa internal organs ng biktima at nakitaan ng mga pasa sa bahagi ng tiyan at likod nito kung saan pinal na otopsiya ay blunt force trauma ang dahilan ng pagkamatay ni Cadet Dormitorio.

Samantala, tinitignan din ng PMA na anggulo ang posibilidad na nakursunadahan ang biktima dahil ito ay anak ng isang retired colonel mula PMA Class of 1974.

Kinokondina naman ng PMA ang nangyaring hazing at sinabi nila na kailangang maparusahan ang lumabag sa Anti-Hazing Act of 2018 na may parusang pagkakulong ng reclusión perpetua at multang P3 milyon.

Sa ngayon nasa holding center ng akademya ang isang cadet first class at dalawang cadet third class na persons of interest sa krimen kung saan nahaharap ang mga ito ng kasong kriminal at administratibo.