-- Advertisements --

Binigyang-diin ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin ang kahalagahan ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Ito ay kasunod sa pag apruba ng Senado sa 2025 General Appropriations Bill (GAB) kung saan tinanggal ang pondo para sa naturang programa.

Sinabi ni Garin ang panukalang ₱39 billion budget para sa AKAP ay makakatulong sa mahigit 12 million low-incom Filipinos na nagsusumikap para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Ayon sa lady solon na ang AKAP ay nagsisilbing safety net para sa mga indibidwal na hindi kasama sa tradisyunal na social protection program ng gobyerno gaya ng 4Ps(Pantawid Pamilyang Pilipino Program).

“This program bridges the gap for those who are ineligible for regular assistance yet are vulnerable due to low wages and the high cost of food and other essential items,” pahayag ni Garin.

Paliwanag ni Garin na ang AKAP ay idinisenyo upang magbigay ng naka-target na tulong panlipunan sa mga indibidwal na hindi kabilang sa pinakamahihirap na sektor ngunit apektado ng mga hamon sa ekonomiya, tulad ng mataas na inflation.

Layunin nitong tulungan ang mga Pilipino na makabili ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa kabila ng limitadong kita.

Ang pahayag ni Garin ay tugon sa mga kritisismo mula sa Senado, na nangatuwiran na hindi inuuna ng AKAP ang pinakamahihirap na populasyon.

Dagdag pa ng Kongresista na tila hindi alam ng mga senador ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga minimum wage earners.

Nanawagan si Garin sa agarang pagbabalik ng AKAP funds dahil mahalaga ito sa pagbibigay suporta sa mga milyong Filipino na hindi bahagi ng social programs ng gobyerno.