Hinikayat ni dating health secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin ang mga magulang na alisin na ang pag-aalinlangan sa pagbabakuna sa kanilang mga anak.
Ang panawagan ng Iloilo solon ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng kasong pertussis sa bansa.
Batay kasi sa ulat ng Department of Health (DOH) na mayruon ng 1,477 cases ng pertussis sa buong bansa mula January 1 hanggang April 6, 2024 kung saan 63 ang naiulat na nasawi dahil sa nasabing karamdaman.
Ipinunto ng lady solon na ang vaccine hesitancy ang ugat sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kasong pertussis at measles sa bansa.
“Bakit sa buong mundo ang Pilipinas lang nagkaroon ng Pertussis outbreak? At bakit ‘yung Polio bumalik? Bakit noong mga nakaraang taon grabe ang mga namamatay sa measles. This is all because of vaccine hesitancy,” pahayag ni Rep. Garin.
Pinatamaan naman ng Kongresista ang mga dating kalihim ng Department of Health na hindi nagawang labanan ang pagkalat ng fake news laban sa pagbabakuna.
Nasa 3 million pentavalent or 5-in-1 vaccine doses ang inaasahan ng bansa sa buwan ng Hunyo at ngayon ay nasa proseso sa pagbili ng Diphtheria, Pertussis, at Tetanus (DPT) doses.