Naghain ng house resolution si House Deputy Majority Leader Janette Garin kung saan hinihikayat nito ang House Committee on Health na magsagawa ng pagdinig kaugnay sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Ito ang House Resolution No. 2081 na inihain nuong Miyerkules ng Iloilo solon.
Nakapaloob sa resolusyon na dapat pakatutukan ang Health Technology Assessment (HTA) process at ang iba pang provisions na magdudulot ng pagka antala sa timely access sa mga nararapat na healthcare innovations.
Layon din nito na magpatupad ng legislative reforms para mapabuti pa ang healthcare services para sa lahat ng mga Filipino.
Bukod sa proseso ng HTA, dapat ding repasuhin ng Komite ang istruktura at tungkulin ng Konseho ng HTA dahil maaaring hindi nito nagampanan ang mandato nito.
Binigyang diin din ni Garin ang pangangailangan ng masusing pagsusuri sa primary implementer ng UHC law dahil ang Department of Health (DOH) ang dapat na primary implementer, hindi ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“I urge the leadership of both the House and the Senate to make the amendment of UHC a priority. We must address the elephant in the room,” wika ni Garin.
“It is vital to fortify the country’s public health system and ensure timely access to essential health interventions for Filipinos,” ayon sa Iloilo First District Representative.
Binigyang diin ni Garin, na isa ring doktor na hindi kailangang sumailalim sa Phase IV clinical study ang mga health interventions tulad ng mga gamot, bakuna, at medical devices tulad ng isinasaad ng Section 34 ng UHC law.
Ipinunto ng dating health secretary at isang vaccinologist na matapos ang Phase III clinical trial, itinuturing na ligtas at efficacious ang health interventions.
“The requirement for Phase IV clinical trials under Section 34 of the UHC Act may result in significant delays in providing Filipinos access to cutting-edge medical innovations and treatments, effectively requiring that such interventions be extensively used in other countries for 5 to 10 years before being made available domestically,” pahayag ni Garin.
Bukod dito, binanggit ng mambabatas na walang bansa ang nag uutos ng Phase IV ng mga klinikal na pagsubok.