-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala si dating health secretary at ngayo’y House deputy majority leader at Iloilo Representative Janette Garin hinggil sa pag atras ng Amerika na magbigay ng tulong sa World Health Organization (WHO).

Sinabi ni Garin ang pag withdraw ng Estados Unidos mula sa World Health Organization ay maaaring makaapekto sa katatagan ng kalusugan ng bansa at iba pang mga programa na sinusuportahan ng WHO at maging ng USAID.

Binigyang-diin ni Garin na napaka-importante nito sa Pilipinas dahil maraming programa sa kalusugan na kumukuha ng funding support mula sa WHO.

Bukod pa rito, nagpahayag ng pag-aalala ang mambabatas sa posibleng implikasyon ng naturang hakbang, na nagsabing maaari itong magbigay daan sa mga bansang tulad ng Tsina o Russia sa pagbibigay ng kanilang malaking ekonomiya na mamuno sa health organization, at mabigyan sila ng access sa mga sensitibong impormasyon na maaaring magdulot ng banta sa seguridad sa iba’t ibang bansa.

“Ang kalusugan kapag may pandemya threat ‘yan sa buong mundo so sila ang mag initial access, that is what is going to happen,” pahayag ni Rep. Garin.

Binigyang-diin ng dating health secretary ang pangangailangang magkaroon ng reporma ang gastos ng WHO, na nagsabing dapat bawasan ang mga hindi kinakailangang gastusin, tulad ng “madalas na pagbiyahe” at “wine and dine,” upang maglaan ng mas maraming pondo sa mga bagay na may kaugnayan sa kalusugan.

Nauna rito, nilagdaan ni US President Donald Trump ang executive order para sa US na umalis sa WHO.

Samantala, naniniwala ang mambabatas na ginawa ni Trump ang desisyon dahil nais nilang gumastos nang higit pa para sa kanilang mga panloob na pangangailangan, na sinabi niya na “understandable.”

“Yung sinasabing mishandling nung pandemic, walang perpektong response sa pandemic, kaya sa totoo lang ang pananaw ko dyan, naghahanap lang ng rason ang America, ang katotohanan dyan, talagang nagtitipid sila because they want to spend more for their internal needs which is understandable sa panahong ito,” dagdag pa ni Garin.

Binigyang diin din ng Iloilo First District Representative ang mahalagang papel ng WHO sa global health dahil pangunahing nagsasagawa ito ng surveillance sa mga public health emergencies sa buong bansa.