Nagbabala si House Deputy Majority Leader at dating health secretary na si Janette Garin sa publiko laban sa paggamit ng vape, dahil maaaring mauwi sa pagkamatay ang matagal na paggamit nito.
Ginawa ni Garin ang pahayag kasunod ng ulat ng Department of Health (DOH) sa pagkamatay ng 22-anyos na lalaki na may kaugnayan sa vape.
Ayon sa DOH, namatay ang 22-anyos dahil sa atake sa puso kasunod ng matinding pinsala sa baga. Dalawang taon nang gumagamit ng vape ang lalaki.
Ipinunto ng Iloilo First District Representative na hindi alternatibo ang vaping sa paninigarilyo at hindi ito mas ligtas na gamitin, idinagdag na ang mga gumagamit ng vape ay maaaring magdulot ng medical condition na tinatawag na e-cigarette, o vaping, product use associated lung injury o EVALI.
Ang EVALI ay isang serious medical condition kung saan ang mga baga ng isang tao ay napinsala mula sa mga sangkap na nilalaman ng mga e-cigarette at mga produkto ng vaping, ayon sa Yale Medicine.
Samantala, ibinunyag ng Global Youth Tobacco Survey na humigit-kumulang isa sa pitong kabataan, na may edad na 13 hanggang 15, ay gumagamit na ng vape.