-- Advertisements --

Muling binigyang-diin ni dating health secretary at ngayo’y House Deputy Majority Leader Janette Garin na ang bakuna ang siyang sagot at best solution sa pagtugon sa tumataas na kaso ng dengue cases sa bansa.

Binanggit ng doktorang mambabatas ang bansang Brazil at Mexico na mayruong single digit na death dahil sa dengue kung saan ang mga nakatanggap ng bakuna ay hindi naka experience ng severe dengue.

“Let us look at Brazil Mexico yung mga bansang gumamit ng bakuna may nagkakadengue pa rin pero narinig ko dalawa nalang ang namatay kumpara sa hundreds of thousands,” pahayag ni Rep. Garin.

Binigyang-diin ni Garin na kapag may bakuna hindi na kailangan dalhin sa ospital kapag mild ang dengue.

Aniya sayang ang oportunidad sa Pilipinas dahil nakinig tayo sa mga pekeng balita.

Binanggit ng Kongresista ang naging epekto ng misinformation kaugnay sa Dengvaxia vaccine kung saan naniniwala ito na siyang naging sagabal sa paglaban ng dengue disease sa bansa.

Sa kabilang dako, hinikayat ni Garin ang Department of Health (DOH) para magkaroon na ng totoong solusyon para labanan ang dengue sa bansa.

Aniya, sa ngayon hindi na sapat ang mga panawagan na basic prevention gaya ng paglilinis at fogging o pag-uusok.
Giit ng Doctor solon, panahon na para pangunahan ng DOH at maging bahagi sa solusyon.

“Paulit ulit nang sinasabi ng World Health Organization na dekada na tayong naglilinis subalit hindi ito sapat,” pahayag ni Garin.