Hinikayat ni dating health secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin ang Department of Health (DOH) na dapat isang agresibong aksiyon na ang kailangan para tugunan ang tumataas na kaso ng leptospirosis.
Ginawa ni Garin ang pahayag matapos maiulat ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) kung saan ang kanilang gymnasium ay ginawang ward para sa mga leptospirosis patients.
Sinabi ng lady solon, ito ay wake-up call na sa ahensiya para mas magiging agresibo sila sa pagtugon sa nasabing sakit lalo na sa pamamahagi ng gamot.
Aniya dapat paalalahanan ng DOH ang publiko hinggil sa epekto ng leptospirosis lalo na nuong kasagsagan ng Bagyong Carina.
Binatikos ni Garin ang DOH dahil sa lapses nito na magbigay ng doxycycline, gamot para maiwasan ang sakit na leptospirosis.
Sinabi ng mambabatas may pondo para sa libreng doxycycline subalit ang availability on the grounds ay mahirap. Paulit-ulit na itong hinaing sa ahensiya subalit hindi pinapakinggan at hindi naaksiyunan.
Paliwanag ng Doctor solon na ang mga indibidwal na lumusong sa baha na walang sugat ay kailangang uminom ng doxycycline sa loob ng 72 oras matapos lumusong sa baha.
Pinayuhan naman ni Garin ang publiko na kaagad magpa kunsulta kung may nararanasang mga sintomas ng leptospirosis.