Nanawagan si dating health secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin sa Department of Health (DOH) kasunod sa pagkaantala sa pagbili ng bakuna laban sa trangkaso, na dapat ay natanggap na ng mga indibidwal ang bakuna ngayong panahon ng trangkaso.
Ginawa ni Garin ang pahayag kasunod ng ulat na ang procurement ng bakuna laban sa trangkaso ay naantala sa ikalimang pagkakataon, na dapat ay ginawa noong unang quarter pa ng taon.
Ipinaliwanag pa ng doctor solon na ang World Health Organization (WHO) ang siyang pumipili ng iba’t ibang uri ng bakuna laban sa trangkaso taun-taon, sakaling dumating sa bansa ang bakuna laban sa trangkaso sa buwan pa ng Disyembre magiging walang kabuluhan na ang layunin nito.
“The flu vaccine is designed in such a way that at the start of the year. WHO determines what is the prevailing serotype for that year. “Sayang lang pera nakalaan para doon kasi mag-iiba na ulit ang prevailing serotype sa susunod na taon. Also, it defeats the afforded protection kasi ang flu season is August until November,” dagdag pa ni Rep. Garin.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang mga virus ng trangkaso sa seasonal flu vaccines ay pinipili bawat taon batay sa iba’t ibang data tulad ng epidemiologic data, genetic data, at antigenic data.
Ipinunto ng mambabatas na ang pinakamahusay na oras para magkaroon ng bakuna laban sa trangkaso ay tuwing Hunyo o bago ang tag-ulan.
Binigyang-diin din ni Garin ang pangangailangan para sa taunang pagbabakuna ng mga vaccine laban sa trangkaso.
Hinihimok ng mga eksperto at grupo sa kalusugan ang DOH na magbigay ng libreng bakuna laban sa trangkaso noong buwan pa ng Mayo.