-- Advertisements --
ErCPHIfVEAQq8Zz
IMAGE | HPAAC advisory on Traslacion 2021/Twitter

MANILA – Hinimok ng grupong Health Professional Alliance Against COVID-19 (HPAAC) ang publiko at mga deboto ng Poong Itim na Nazareno na huwag nang pumunta sa Quiapo church kasabay ng paggunita sa Traslacion.

“Ipagpaliban ang pagpunta sa Quiapo para sa Poong Nazareno at mga misa ng Traslacion.”

Binigyang diin ng grupo ng health experts na may banta ng pagkakahawa sa COVID-19 ang mga pagtitipon, tulad ng tradisyonal na prusisyon ng imahe ng Black Nazarene.

Sa isang statement sinabi ng HPAAC na may matanding banta na ng bagong coronavirus variant dito sa bansa, kaya dapat iwasan ang mga matatao at kulob na lugar.

Lalo na’t sinasabi sa mga pag-aaral, na mas mabilis makahawa at kumalat ang tinaguriang “UK variant” ng sakit.

“May matinding banta ng COVID-19 variant galing sa UK na maaaring nandito na sa Pilipinas.  Mas mabilis itong makahawa at kumalat.”

Noong Oktubre pa lang nang kanselahin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang taunang Traslacion. Inanunsyo rin ng mga opisyal ng Quiapo church na wala muna ang tradisyunal na “pahalik” sa poon.

Kaugnay nito, sinabi ng mga opisyal ng simbahan na magsasagawa na lang sila ng serye ng mga misa sa Minor Basilica of the Black Nazarene.

Ipe-pwesto rin nila ang imahe ng Itim na Nazareno sa balcony ng simbahan para makita pa rin ng mga deboto ang poon.

Mula noong December 30, dinala ang imahe ng Nazareno sa iba’t-ibang simbahan at establisyemento sa bansa para mas maraming deboto ang makalapit sa Black Nazarene.

Ngayong araw, nakatakdang dalhin ang imahe ng poon sa Brgy. 394 sa Quiapo at Baclaran church. Habang bukas, dadalhin naman ito sa Sto. Domingo Shrine sa Quezon City.

Ilang kalsada na rin sa malapit sa simabahan ng Quiapo ang isasara simula bukas, January 8, dahil inaasahan pa rin daw ng mga otoridad na maraming deboto ang pupunta ng Basilica.

Nanawagan ang HPAAC at si Msgr. Hernando Coronel, rector at pariesh priest ng Quiapo church, na hangga’t maaari ay sa kani-kanilang bahay na lang gunitain ng mga deboto ang Nazareno.

“Iwasan natin ang matatao at kulob na lugar. Mas ligtas ang pagdarasal nang taimtim sa loob ng ating bahay at pagsisimba sa radio, TV, o online na misa. Ang pagtugon sa panawagang ito ay tanda rin ng pagmamahal natin sa ating kapwa at sumasabuhay ng ating pananampalataya.”

“We’re just asking you to pray inside your homes, stay at home, pray together with your families we will be able to get the grace,” ani Msgr. Coronel sa artikulo ng Radyo Veritas website.

Ayon sa Department of Health (DOH), nakipag-pulong na sila sa mga opisyal ng Quiapo church nitong umaga, at maglalabas ng official advisory kaugnay ng mga aktibidad ng kinanselang Traslacion.