-- Advertisements --

Nakatakdang magpulong ang Department of Energy at National Grid Corporation of the Philippines para talakayin ang mas malinaw na protocol pagdating sa emergency operations ng mga planta sa bansa.

Layon nito na hindi na maulit pa ang nangyaring malawakang kawalan ng kuryente sa Western Visayas lalo na sa mga susunod pang buwan ngayong taon.

Sa naging ngang imbestigasyon ng House Committee on Energy sa Panay Island blackout, inihayag ni DOE Undersecretary Rowena Guevarra na importante ang paglalatag ng agarang solusyon.

Ito ay upang matiyak ang matatag na supply ng kuryente sa naturang lugar lalot nat tinatapos pa rin ang Cebu-Negros Panay backbone project.

Nilinaw rin ng opisyal ang susunding protocol ng NGCP hinggil sa emergency situation ng mga planta sa Pilipinas.

Nakasaad kasi sa Philippine Grid Code na ang NGCP ay may obligasyong magbigay abiso sa ERC tuwing may malaking insidente.

Hindi naman ito ginawa ng NGCP dahil sa kanilang pagtataya ay normal pa rin ang voltage at frequency ng Panay Energy Development Corporation kahit pa pumalya ito.

Samantala, sinabi naman ni Guevarra na sa darating na Enero 26 maaari nang kunin ng Panay sa reserve market ang kakulangan nila sa ancillary reserve.