Hinimok ngayon ng ilang mga mambabatas ang Department of Energy (DOE) na bumuo ng isang task force na tututok sa implementasyon ng panibagong bugso ng fuel excise tax ngayong Enero.
Paliwanag ni Sen. Sherwin Gatchalian, layon ng task force na pangalagaan ang mga konsyumer mula sa premature o maagang pagtaas ng presyo; at sa profiteering.
“Kailangan paigtinging mabuti ng Department of Energy (DOE) ang pagbabantay laban sa hoarding at profiteering sa bansa ngayong nakaamba ang dagdag na excise tax sa huling pagkakataon,” saad ni Gatchalian.
Hindi rin dapat aniyang hayaan ang ilang mapagsamantalang retailers na ibenta sa mataas na halaga ang kanilang mga lumang imbentaryong produkto na kanilang nabili bago pa man ang implementasyon ng third tranche ng excise tax.
Ayon sa DOE, ang huling round ng tax adjustments ay epektibo lamang sa bagong stocks na na-import simula sa unang araw ng Enero ngayong taon.
Sa huling round ng excise tax hike, ang gasolina ay magkakaroon pa ng P1 increase, P1.50 para sa diesel, at P1 naman para sa kerosene.