-- Advertisements --
image 471

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at distribution utilities, gaya ng Meralco, na tiyakin ang tuluy-tuloy na daloy ng kuryente, lalo na sa mga election hotspots, bago ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Iginiit ni Gatchalian na ang anumang pagkaputol ng kuryente sa araw ng halalan ay maaaring magdulot ng mga alalahanin tungkol sa kapayapaan at kaayusan, na posibleng mauwi sa pandaraya o dayaan na maaaring makasira sa integridad ng proseso ng halalan.

Aniya, kailangang tiyakin ng DOE, lalo na ng mga distribution utilities na nangangasiwa ng kuryente sa mga malalayong probinsya, na walang anumang aberya pagdating ng halalan at bilangan.

Giit pa ng Senador, ang pagtiyak sa integridad at kredibilidad ng isang halalan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng maaasahang suplay ng kuryente.

Kailangang makipagtulungan aniya ang energy department sa iba’t ibang grupo sa sektor ng enerhiya, partikular na ang power generation, transmission, at distribution utilities na may operasyon sa mga election hotspot areas upang matiyak ang sapat at maaasahang suplay ng kuryente.