DAGUPAN CITY – Buong tapang na inihayag ng Departmnent of Energy (DoE) na handa itong humarap at ipaliwanag ang katotohanan sa likod ng naranasang brownout sa ilang mga lugar sa luzon kamakailan.
Una rito, pinagpapaliwanag ni Senate Committee on Energy Chairman Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DoE) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa idineklarang red alert na naging sanhi upang makaranas ng malawakang brown out ang ilang bahagi ng Luzon.
Nagtataka si Gatchalian sa sunod-sunod na maintenance shutdown ng mga power plant sa mga nakalipas na araw gayong igiinit umano sa kanila ng DoE na hindi magkakaroon ng pagbabawas dahil sa sapat na supply nito.
Sa eksklusibong panayam naman ng Bombo Radyo Dagupan kay Red Delola, assistant secretary ng DOE nanindigan ito na kayang sagutin ng kanilang tanggapan ang anumang kwestyon o katanungan na ibabato sa kanila.
Ngunit bago aniya sila magbigay ng pahayag, kinakailangan muna nilang ipatawag ang iba’t ibang power plant upang tanungin kung bakit sunod sunod at sabay sabay silang nagsagawa ng maintenance shutdown sa kanilang mga planta. Mainam kasi aniya na malaman muna ng DoE kung ano ang tunay na rason sa likod nito bago magbitiw ng anumang salaysay.
Dagdag pa ni Delola, ang naturang problema ay nailapit na nila sa Energy Regulatory Commission (ERC) pati na sa Philippine Competition Commission upang mapag-aralan kung sinadya nga ba ang biglaang maintenance shutdown o di kaya’y talagang nagkaroong lamang ng aberya ang kanilang mga planta.