Hinikayat ng Department of Energy (DOE) ang mga Pilipino na obserbahan ang earth hour bukas, Marso 25 sa pamamagitan ng pagpatay ng non-essential lights mula alas8:30 ng gabi hanggang alas9:30 ng gabi.
Layunin nito na mapataas ang kamalayan ng bawat isa kaugnay sa climate change at iba pang environmental concerns.
Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, ang maingat na paggamit ng enerhiya ay hindi lamang responsibilidad para sa ating sarili at sa ating bansa kundi lalo na para sa Inang kalikasan kung kayat hinihikayat ang lahat na makiisa sa earth hour.
Inihayag din ng DOE official na ang 60 minuto ng ating oras ay makakapaglikha ng makabuluhang epekto upang mabawi ang nawala sa kalikasan at maging climate-resilient ang ating bansa sa hinaharap.
Saad pa ni Lotilla na mayroong ibang paraan para maging energy-resilient lalo na tuwing summer kung saan mataas ang demand at manipis ang suplay.
Payo ng DOE na maaaring panatilihin ng mga consumer sa 25 degrees ang air conditioners at i-minimize ang paggamit ng elektrisidad tuwing peak hours mula alas-11 ng umaga hanggang alas-12 ng hapon, alas-2 ng hapon hanggang 3pm at 6pm hanggang 7pm.
Ipinanukala naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang daylight saving hours para sa mga empleyado ng gobyerno para makapagtipid ng energy costs.