Hinikayat ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Energy (DOE) na itaguyod ang oil exploration sa West Philippine Sea nang hindi humihingi ng tulong sa China.
Sa isang pahayag, sinabi ni Hontiveros na dapat kaisa ng pamahalaan sa paggiit ng soberenya ng bansa ang mga Pilipinong service contractors na pinayagang mag-explore sa pinagtatalunang teritoryo.
Ayon sa mambabatas, balewala ang joint venture hangga’t hindi kinikilala ng China ang tagumpay ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.
Mula aniya nang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang moratorium sa langis at gas exploration sa mga lugar na nasa Service Contracts 59, 72, at 75 sa West Philippine Sea nitong Oktubre, nakikipag-ugnayan na ang Filipino company na PXP Energy sa China National Offshore Oil Corporation.
Saad ni Hontiveros, hinarass ng mga Chinese ang PXP Energy sa Recto Bank noong 2011.
Batay sa impormasyon mula sa DOE, tinatayang $19.9 bilyon ang natural gas sa Recto Bank at $2.1 bilyon sa langis.
Punto naman ni Energy Secretary Alfonso na ang pag-alis ng suspensyon ay isang unilateral decision.
Giit ni Cusi, maaaring ituloy ng mga kompanyang nagsasagawa ng aktibidad na may kinalaman sa langis ang kanilang pagtatrabaho kahit walang kinukuhang katuwang na Chinese firm.