Iginiit ng pamunuan ng Department of Energy na mahalagang maibilang sa tax incentives ang mga e-motorcycles at ito rin aniya ay magpapabilis naman sa gov’t vision para sa green traffic.
Ayon sa ahensya, napatunayan ng mga E-motorbikes ang kontribusyon nito sa pagbabawas ng carbon emissions.
Sa isang pahayag, sinabi Andre Reyes, isang science research specialist mula sa DOE, ang ganitong uri ng mga sasakyan ay mahalaga upang matulungan ang Pilipinas sa paglipat sa electric vehicles.
Aniya, nangunguna ang mga sasakyan sa sanhi ng mga carbon emissions sa bansa.
Binigyang diin ni Reyes ang pangangailangan na palawakin ang saklaw ng Executive Order No. 12 series of 2023.
Ang kautusan na ito ay nagbibigay ng tax breaks sa ilang uri ng EVs sa bansa.
Batay nga sa kasalukuyang bersyon ng EO12, ang iba’t ibang uri ng EVs ay tumatanggap na ng tax breaks habang ang e-motorcycles ay pinapatawan pa rin ng 30 percent tariff rate.
Sa datos ng DOE, ang paggamit ng e-motorcycles ay malaking ambag upang maiwasan ang 8.5 kilograms ng carbon dioxide kumpara sa internal combustion engine (ICE) motorcycles.
Samantala, target ng energy department na taasan ang EV fleet ng bansa ng 50%, o katumbas ito ng karagdagang 2.4 million units.