Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na simula ngayong linggo ay tuluyan ng manunumbalik sa normal ang sitwasyon ng power supply ng bansa.
Ito’y makaraang makaranas ng magkakasunod na rotational brownout ang mga consumer na sine-serbisyuhan ng Luzon Grid dahil sa pagnipis sa supply ng kuryente.
Sa isang press conference nitong araw sinabi ni Energy Usec. Wimpy Fuentebella na bunsod ito ng inaasahang decrease sa demand na sasabayan ng pagbabalik operasyon ng mga pumalyang planta kamakailan.
“Hanggang Easter Sunday, we’re okay kasi mababa yung demand, papasok ‘yun mga planta,” ani Fuentebella.
Kabilang sa mga nakatakdang babalik sa pagsu-supply ng kuryente ang: Pagbilao Unit 2 na may capacity na 420-megawatts; Limay Unit 2 na may 150-megawatts; at Sual Unit 2 na may 647-megawatts.
“By Wednesday, meron tayong mga plantang papasok, mga naka-outage. Wednesday maganda na, Thursday mababa ang demand, may mga papasok pang malaki (gaya) si Sual.”
Sa ngayon patuloy pa rin umano ang monitoring ng DOE sa sitwasyon para matiyak na naaabot ng mga planta ng kuryente ang demand na kailangan ngayon panahon ng tag-init.