Pinapatiyak ng Department of Energy sa mga retailer ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa probinsya ng Bukidnon ang pagpapatupad ng price freeze kasunod na rin ng deklarasyon ng State of Calamity (SOC) sa naturang probinsya.
Ang SOC ay bunsod na rin ng malawakang dengue outbreak kung saan daan-daang mga residente na ang kinakapitan ng naturang sakit.
Ayon sa DOE, mananatili ang presyo ng mga pangunahing ginagamit na LPG (11kgs pababa) sa loob ng 15 days mula sa mismong araw ng deklarasyon.
Kasama rin sa price freeze ang iba’t-ibang mga kerosene product.
Samantala, batay sa datos na inilabas ng Provincial Health Office (PHO) ng Bukidnon, mula noong Enero hanggang sa unang lingo ng Setyembre ay umabot na sa 5,099 ang naitala nitong dengue cases.
Sa loob ng naturang period, umabot na sa 36 katao ang namatay dahil sa dengue.
Ang lungsod ng Malaybalay ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng mga kaso (926) na sinundan ng Valencia City (508).