Naniniwala ang Department of Energy(DOE) na magiging malaking bentahe ng Pilipinas ang pagsasagawa ng feasibility studies sa Bataan Nuclear Power Plant(BNPP)
Maalalang pumirma ang DOE at ang Korea Hydro and Nuclear Power Co., Ltd. (KHNP) ng isang kasunduan kung saan pangungunahan ng Korean firm ang isasagawang pag-aaral, kapwa ang technical at economic aspect.
Lahat ng gastusin dito ay babalikatin ng KHNP.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Energy Secretary Raphael Lotilla na ang naturang pag-aaral ay tiyak na magpapalakas sa energy security ng Pilipinas, batay na rin sa nakapaloob sa Philippine Energy Plan (PEP).
Ayon kay Lotilla, ang feasibility ay isasagawa sa dalawang yugto: una ay ang pag-assess sa kasalukuyang kondisyon ng BNPP at ang pangalawa ay ang evaluation kung dapat pang buhayin ang planta.
Kung sakaling hindi na maaaring buhayin ang planta, sinabi ni Lotilla na maaaring magrekomenda ang Korean firm ng mga alternatibong option, kabilang na ang pagtatayo ng conventional na planta o pagbuo ng maliit na modular reactor.
Ang KHNP ay ang nagsisilbing operator ng Kori Nuclear Power Site sa Busan, halos kaparehong pasilidad lamang ng Bataan plant.
Sa ilalim ng PEP, target ng Pilipinas na makapagtayo ng unang power plant sa 2023 na may kapasidad na 1,200 megawatts at itataas ang kapasidad nito ng hanggang 2,400MW pagsapit ng 2035. Pagsapit ng 2050, planong itaas muli ito sa 4,800 MW.