-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinalalahanan ng Department of Energy (DoE) ang mga power producers at power distributors sa nalalapit na May 13 midterm elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Director Mario Marasigan ng Electric Power Industry Management Bureau ng DoE, kinakailangan umanong sumunod sa kanilang mga paalala ang mga power producers at power distributors upang masiguro na may sapat na suplay ng kuryente at walang power shortage na mangyari na pinangangambahan ng karamihan.

Aniya, kinakailangang walang pag-commission o testing sa mga planta sa mismong araw ng halalan upang hindi maapektuhan ang suplay ng kuryente na dadaloy sa mga transmission at distribution lines.

Idinagdag nito na kinakailangang isang linggo bago at pagkatapos ng halalan ay wala ring isagawang testing ang mga planta.

Ayon pa kay Marasigan, marapat din na siguruhin ng mga power producers at power distributors na maayos at walang sira ang mga imprastraktura nang sa gayon ay wala silang maging problema.

Maliban pa dito, tiniyak din ng opisyal na mayroon na silang nakahandang contingency plan kung mayroon mang hindi inaasahang power shortage sa mismong araw ng halalan.