Nakahinga umano ng maluwag kahit papaano ang mga energy officials ng pamahalaan dahil sa pangako ng Estados Unidos na handa itong magsuplay ng langis sakaling umabot sa worst case scenario ang sitwasyon sa Gulf region.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Energy Secretary Alfonso Cusi, sinabi nito na kahit papaano ay magandang balita ang naging pahayag ng US na available ang strategic oil reserves nila para maibsan kung dumating sa punto na magkukulang ang suplay ng petrolyo.
Sinasabing anim na porsyento ng suplay ng mundo ay kinukuha sa Saudi Arabia kung saan ang ilang bahagi ng planta ng kompaniyang Saudi Aramco ay sunod- sunod na binomba.
Ayon sa kalihim, malaking porsyento umano ng krudo ay kinukuha ng mga oil companies sa Pilipinas ay nagmula sa Middle East.
Dahil dito sinabi pa ng kalihim matapos na mapaulat ang drone attack sa oil facilities ay agad na rin siyang nagpatawag ng emergency meeting sa Department of Energy (DOE).
Layon nito na mapag-aralan ang mga options kung lumalala ang sitwasyon.
Una aniyang maapektuhan sa Pilipinas ang presyuhan ng langis na ngayon pa lamang ay sumirit na sa world market.
“Magandang balita naman ang US ay nagpasabi na they are making available para sa world demand ang kanilang strategic oil reserves. Parang ipapagamit ‘yon para maibsan at madagdagan ang suplay ng oil. That would help the situation in the world market, hopefully,” ani Cusi.
Kasabay nito nanawagan si Sec. Cusi na kailangan pa rin ang kooperasyon ng publiko sa mga inihanda nilang mga contingency plans kung sakali.