Walang dapat ikabahala ang publiko sa pagpapalabas ng Department of Energy(DOE) ng Yellow Alert para sa Luzon kahapon, March 5, 2025.
Paliwanag ni Usec. Mario Marasigan, ang inilabas na warning ay kasunod ng mas mataas na demand kumpara sa projection sa naturang araw.
Tinataya kasing aabot lamang sa 11,325 megawatts ang demand ngunit natukoy na lumagpas ito at umabot pa sa 11,829 MW.
Gayonpaman, wala aniyang dapat ipangamba dito dahil nananatiling manageable ang supply ng kuryenta sa bansa. Sa katunayan aniya, ang mahigit 11,800 MW na demand kahapon ay mas mababa pa kumpara sa 11,990 MW na peak demand na naitala nitong Marso-4.
Ayon kay Marasigan, nananatiling matatag ang supply at reserbang kuryente sa Luzon at maging sa iba pang energy grid.
Paliwanag pa ni Marasigan, tanging ang ‘sustained demand’ o tuloy-tuloy na mataas na konsumo ang nagpabago sa normal situation kaya’t itinaas ang alerto ngunit nananatiling sapat ang supply ng kuryente.
Sa kabila nito ay hinihimok pa rin ni Usec. Marasigan ang publiko na tuloy-tuloy lamang sa pagtitipid ng kuryente lalo ngayong panahon ng tag-init kung kailan inaasahang mataas ang konsumo.
Itinaas kahapon ang alerto mula alas-5 ng hapon hanggang alas 7 ng gabi sa buong Luzon grid.