-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagsagawa ng inquiry ang Department of Energy kaugnay sa malawakang power blackouts sa buong Western Visayas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Uswag Ilonggo Partylist Rep. James ‘Jojo’ Ang, sinabi nito na maliban sa Department of Energy, kabilang rin sa mga dumalo sa inquiry ay ang mga opisyal ng Energy Regulatory Commission, at mga power suppliers and distributors kagaya ng MORE Power and Electric Corporation, Capiz Electric Cooperative, Guimaras Electric Cooperative, Iloilo Electric Cooperative at Aklan Electric Cooperative, at Central Negros Electric Cooperative.

Dumalo rin dito ang mga local government unit officials kung saan isinagawa ito sa Iloilo Provincial Capitol.

Ayon kay Ang, hiningan nila ng paliwanag ang National Grid Corporation of the Philippines sa nangyaring total blackout na wala umanong abiso na inilabas.

Sa ngayon anya, pinag-aaralan na nila ang pagpapatupad ng sanction sa nasabing pribadong kompanya.

Anya bilang isang tagahatid ng kuryente, nararapat na gampanan nila ang kanilang tungkulin na pangalagaan ang mga pasilidad na naghahatid ng kuryente sa rehiyon alinsunod sa pamantayan na itinakda ng Philippine Grid Code at Transmission Development Plan.

Dapat rin anya na magbigay din sila ng pang araw-araw na sitwasyon ng kuryente sa pamamagitan ng pagtukoy sa magagamit na kapasidad, system peak, at gross reserve.