Nagpaalala ang Department of Energy (DOE) sa mga distribution utilities (DUs) na mahigpit na sundin ang Competitive Selection Process (CSP), upang protektahan ang mga konsyumer mula sa hindi angkop na pagtaas ng presyo ng kuryente.
Ayon sa DOE, ang mga pagkaantala sa paghahatid ng kuryente mula sa mga contracted generation plants ay nagiging sanhi ng pressure sa merkado ng kuryente, na kadalasang nagreresulta sa mataas na presyo para sa mga konsyumer.
Kasalukuyang isinasagawa ang isang pagsusuri sa CSP ng Manila Electric Company (Meralco) na may kasamang 1,800 MW na supply ng kuryente, kabilang na ang 1,200 MW mula sa Excellent Energy Resources Inc. (EERI), —isang natural gas facility.
Gayunpaman, hindi lahat ng unit ng EERI ay operational pa, at may pagkaantala sa pagtatapos ng Linseed LNG facilities, na siyang pangunahing pinagkukunan ng natural gas para sa EERI.
Ang pagkakaroon ng shared LNG supply para sa EERI at Ilijan Natural Gas Facilities ay nagpapalala pa sa kakulangan ng supply ng kuryente.
Ayon kay DOE Assistant Secretary Mario Marasigan, kung hindi matutupad ng EERI ang kasunduan nito sa Meralco, magkakaroon ng supply gap na magtutulak sa utility na kumuha ng mas mahal na power supply, na magdudulot ng pagtaas sa presyo ng kuryente.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya upang matiyak na makakakuha sila ng kuryente sa pinakamababang halaga para sa mga konsyumer.
Hinimok din ni Undersecretary Felix William Fuentebella ang mga DUs na sundin ang updated Power Supply Procurement Plan upang makapili ng mga reliable na generating facilities na makakapagbigay ng kuryente sa tamang oras.
Samantala patuloy na nakikipag-ugnayan sa Meralco at iba pang mga DUs ang DOE upang maiwasan ang mga isyu at abala dulot ng pagkaantala sa supply at pagtaas ng presyo ng kuryente.