Ibinunyag ng Department of Energy (DOE) na target nilang isama sa national commission ng gobyerno ang paggamit ng nuclear energy sa energy mix ng bansa.
Sa pagdinig ng Senado sa proposed budget ng DOE, sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na sa katunayan ay tatlong beses na raw nagpulong ang Inter-Agency committee para rito, at minamadali na nila ang pag-aaral para rito para mairekomenda na nila sa pangulo bago matapos ang taon.
Sa darating na Disyembre aniya na target niang pagtibayin ang national policy at kasunod nito ay feasibility study at legal and regulatory study.
Pero giit niya, ang pagsama ng nuclear energy sa energy mix ng bansa ay hindi nangangahuluhan na pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Sa BNPP naman, inaaral na raw ito ng Russian at Korean experts at sinabi na puwedeng buhayin ang pasilidad ngunit hindi pa aniya napag-usapan kung magkano ang gagastusin para sa pagbuhay rito.
Inihayag pa ni Cusi na kailangan pa nito ng masusing pag-aaral lalot mismong lokal na pamahalaan ang umaayaw na buhayin ito.